Saturday, July 2, 2011

President Aquino’s speech on signing the bill synchronizing the ARMM elections with the national and local elections, June 30, 2011

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas



Sa paglagda ng batas na magpapaliban sa eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at magsasabay sa lokal at pambansang halalan sa 2013
[Inilahad sa MalacaƱan Palace noong ika-30 ng Hunyo, 2011]
Tinatawag pong the Land of Promise ang Mindanao dahil sa lawak ng potensyal nitong umasenso.

Nasa inyo ang mayamang agrikultura, yamang dagat at mineral, langis at natural gas. Subalit sa nagdaang mga dekada, tila napabayaan ang rehiyong ito at naiwang nakapako ang tangan niyang mga pangako. At tila kabaligtaran pa ang naihahayag na imahen nito sa publiko. Nakakalungkot isipin na dahil sa mga pangyayari sa ARMM, naging karugtong ng pangalan nito ang mga rebeldeng grupong kinatatakutan ng mga dayuhan; ang karahasang dulot ng Maguindanao Massacre, at ang walang-patumanggang pandaraya tuwing halalan.

Sa araw pong ito, isinasakatuparan natin ang isang repormang magtatanglaw ng pagbabago at pag-asa sa ARMM. Nilagdaan natin ngayon ang batas na magpapaliban sa eleksyon sa rehiyon at magsasabay sa lokal at pambansang halalan.
May ilan pong nagtatanong: bakit ba kailangang ipagpaliban ang eleksyon? Ang iba, nagrereklamong hindi raw ito maka-demokrasya; na ipinagkakait nito sa kanila ang kalayaan na makapili ng kanilang mga pinuno.

Ang ibabalik ko namang tanong sa kanila: sa dinatnan nating kalakaran, tinatamasa ba ng ARMM ang tunay na demokrasya?
Kung ang makikita po natin tuwing eleksyon ay ganito: mga botanteng dinidiktahan kung sino ang isusulat sa balota, may demokrasya kaya ba? Mga estudyanteng napipilitang upuan ang mga balota upang protektahan ang mga boto habang pinapaligiran ng mga armadong tauhan ng mga politiko, may demokrasya ba? Mga gurong akap-akap ang mga balot box, nangangatog dahil sa pagbabanta sa kanilang mga buhay, may demokrasya ba?

Balikan din po natin ang ilang tagpo noong 2007 elections. Nang inihayag ang resulta ng halalan sa Maguindanao, ang lumabas: 12-0. Lahat po ng pambatong Senador ni Ginang Arroyo, panalo. Papaano po kaya nangyari ito? Sa isip ko, ganoon na lang kaya kalaki ang fans club ng koponang Arroyo sa ARMM?

Hindi naman po siguro posible na kapag ibang partido ang ibinoto mo, biglang nawawalan ng tinta ang gamit mong pluma. O baka naman ang kanilang mga balota, tinangay lamang ng hangin. Hanggang ngayon po, isang napakalaking palaisipan pa rin ang mga ganitong tagpo.

Alam ko pong hindi lingid sa kaalaman ninyo ang mga pangyayaring tulad ng mga ito. At lalo pa po tayong napapailing sa iba pang suliraning natuklasan natin sa ARMM.
Isa pa rin ang ARMM sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa. Ang naitala pong insidente ng kahirapan sa mga pamilya sa ARMM noong 2009 ay nasa 38.1 percent, at lahat po ng probinsya sa rehiyon ay nasa ilalim ng national poverty incidence, na 20.9 percent.

Ang Maguindanao ang may pinakamalubhang insidente ng kahirapan sa rehiyon na may naitalang 44.6 percent sa taon ding iyon.

Nakapagtataka naman po yatang umabot pa rin sa sitwasyong ito ang ARMM, sa kabila ng pondong inilalaan taun-taon para sa kapakanan ng rehiyon. Nakakalungkot nga po dahil tila naging manhid na ang mga taga-ARMM sa garapal na kalakaran ng ilang mga pinuno dito. Ang ibang nahalal sa puwesto, naglalakihang mga mansyon ang inuuwian, samantalang ang mga kababayan nila, maalikabok at lubak-lubak pa rin ang kalsadang dinadaanan.

Kapag may mga proyektong pinagkagastusan, diretso lamang ito sa bulsa ng kung kanino; kapag may procurement na inilabas, walang public bidding; kapag gumastos, walang liquidation, at kapag sumahod ang ibang mga lokal na opisyal, halos hindi na magkasya sa calculator ang kanilang suweldo.

Kakaiba nga ho talaga ang ARMM: mayroon na pong “ghost school,” ay kailangan po ng “ghost teacher.”

Ang mga ganitong datos at palakad ang nagtulak sa atin upang umaksyon agad. Ngayong tayo na po ang nasa panunungkulan, hindi na po natin maaatim ang muling paghahari ng ganitong mga insidente at paghihirap ng ating mamamayan. Gaya ng sabi ng aking ama noon: ang unang kalayaan na dapat nating makamit ay ang kalayaan mula sa kagutuman.

Malinaw pong nakapiit sa katiwalian ang rehiyong ito. Pinosasan ang kalayaan ng mga taga-ARMM; hindi nabibigyan ng puwang ang tunay na boses ng mamamayan. Upang mahinto ang mga iregularidad sa pamamahala sa ARMM, isinulong natin ang pagpapaliban ng ARMM elections para isabay na natin ito sa lokal at pambansang halalan. Maraming salamat po sa ating mga kaalyado sa Kongreso at Senado, sa pamumuno po ni Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Sonny Belmonte, at sa mga nanguna’t sumuporta sa pagsusulong ng batas na ito. Dahil sa pakikiisa at pagkakaisa ng lehislatura at ehekutibo, pinagtibay na natin ngayon ang repormang magtatanglaw na tunay na demokrasya sa mga taga-ARMM.

Mahalaga pong sa bawat programa, kapag tinanong tayo kung ano ang nais nating mangyari, hindi tayo uutal-utal. Malinaw ang ating hangarin para sa ARMM: Upang marinig ang tunay na saloobin ng taumbayan, tutuldukan na natin ang paghahari-harian ng mga politikal na angkan na pasimuno ng dayaan sa eleksyon, at bubuwagin natin ang kanilang mga private army. Maliban pa dito, isasakatuparan din ng DILG ang isang roadmap para sa mga reporma sa rehiyon—tungo sa tunay na kaunlaran at kapayapaan sa ARMM. Kaakibat po ng repormang elektoral na ating isinusulong dito, lilinisin natin ang voters’ list, sa pamamagitan ng muling pagpapatala ng mga botante, at pagiging moderno ng eleksyon.

Patitibayin din natin ang pakikiisa ng civil society groups, na magkakaloob ng mga voter’s education, at magsisilbi ring mga watchdog sa halalan.

Ngayong tayo na ang nanunungkulan, hindi natin hahayaang makalusot ang anumang katiwalian.
At kung may makalusot man sa kanila, di tayo mapapagod na habulin at panagutin sila. Sa pagpapaganap ng batas na nilagdaan natin ngayon, mas mapapaigting natin ang mabuting pamamahala at mas magiging bukas at malinaw ang ating patutunguhan.

Babantayan ng DILG ang operasyon ng ARMM para tiyakin na nasusunod ang batas. Ipinahinto na rin po natin ang pagkakaloob ng cash advances ng ibang mga opisyal para sa procurement ng mga gamit, supplies, at mga ipamamahaging serbisyo para sa mga mamamayan. Sisiguraduhin nating dadaan sa public bidding ang mga procurement at magiging malinaw ang pagkakaloob nito sa mga intended beneficiaries para sa maayos na dokumentasyon. Bahagi ito ng ating mga hakbang upang isiwalat ang mga tinatagong transaksyon at pagsho-shortcut sa burukrasya.

May mga pagkakataon pong kailangan munang kalkalin at ayusin muna ang nakagawian nang sistema bago ito maipatupad nang maayos. Ang pinirmahan nga po nating batas ay isang malaking hakbang sa pagsasakongkreto sa katuparan ng pangarap natin sa ARMM. Ang gusto natin—wala nang estudyante ang papasok sa paaralan nang may tuyong lalamunan dahil sa kawalan ng malinis na tubig na maiinom; wala nang guro ang napipilitang maghigpit ng sinturon dahil sa kakaramput na sweldo at sa puro pangakong benepisyo; at wala na ring amang wala nang ibang makitang paraan kundi kumapit na lang sa patalim para lang may maihain sa kanyang pamilya.

Ang mga mithiin pong ito, maisasakatuparan kaya natin sa loob ng isa’t kalahating taon? Maaaring hindi po.

Ngunit umaasa tayo na kapag naranasan ng ARMM ang maayos at tapat na pamamalakad, sila na mismo ang tuloy na magpapatulak at magtutulak na ipagpatuloy ang nasimulan na nating pagbabago.

Ito na po marahil ang pinakamagandang pagkakataon natin upang tuldukan ang matagal nang problema ng rehiyon. Muli, maraming salamat sa ating mga mambabatas at sa mga lider ng ARMM na sinuportahan ang batas na ito sa kanilang pakikiisa at pagiging kabalikat sa pagtutuwid sa baluktot na sistema.

Tiwala po akong ang pagpapaliban at pagsasabay ng halalan sa ARMM sa lokal at pambansang halalan ay susi upang maisagawa ang mga kinakailangang reporma sa rehiyon, at magsisimula lamang ito kapag hindi na nabubusalan ang karapatang bumoto ang mga taga-ARMM, at may naihalal silang tapat, may malasakit, at maasahang pinuno.

Dito lamang maibabalik ang Mindanao na nakilala bilang the Land of Promise—isang rehiyong hindi tambakan ng mga pangakong napapako lamang, ngunit isang rehiyong pugad ng kasaganahan, tangan ang kaniyang pinaka-potensyal, at natatanglawan na ng liwanag ng pag-asa. Talaga naman pong kaysarap sabihing: puwede na po muli tayong mangarap.
Magkapit-kamay tayo sa pagtahak sa tuwid na daan tungo sa katuparan ng mga pangarap na ito.

Ulit, at uulit-ulitin ko po, maraming, maraming salamat, dahil pati ako po’y … talagang napalapit na nating makamptan ang ating mga pangarap.

Salamat po muli.